Nagmahal, nasaktan, nag-Cum Laude at pumasa sa board exam.
Matapos ang masakit na pag-ghost ng kaniyang first love, tagumpay na nagtapos bilang Cum Laude si Bench Lee Abadilla, 23, mula sa Cebu, at ngayon ay pasado na rin sa April 2023 Registered Electrical Engineer Licensure Examination.
“Thank you for ghosting me, Engineer na ako ngayon,” caption ni Abadilla sa kaniyang post.
Sa panayam ng Balita, kinuwento ni Abadilla na first year engineering student siya nang makilala ang nursing student na unang nagpatibok ng kaniyang puso.
Ngunit dahil hindi sila pareho ng unibersidad na pinapasukan at nakatutok din si Abadilla sa kaniyang pag-aral noong mga panahong iyon, bihira lamang daw silang magkita.
“Sadyang student achiever lng po talaga ako and study first. ‘Yung sobrang busy ko na po sa school. Nag-aim kasi ako for latin honors. Buhos lahat attention doon.”
“I came from scratch kasi walang-wala talaga kaya focus muna ako sa goals ko. Kasama naman siya dun if mananatili siya, kaso hindi,” saad ni Abadilla.
Doon na raw biglang hindi na lang nagparamdam sa kaniya ang kaniyang girlfriend.
Nasaktan man siya sa nangyari noong mga sandaling iyon, hindi tumigil si Abadilla na makamit ang kaniyang mithiin sa buhay, hanggang sa tagumpay nga siyang nakapagtapos ng kolehiyo noong 2022 bilang Cum Laude sa Cebu Institute of Technology - University.
Matapos ang kolehiyo ay pinaghandaan naman daw niya ang katatapos lamang na April 2023 Registered Electrical Engineer Licensure Exam, kung saan siya masigasig na nag-review sa CEERS review center mula Nobyembre 2022 hanggang Abril ngayong taon.
Hanggang sa nito lamang Miyerkules, Mayo 3, lumabas ang resulta ng exam at isa nga si Abadilla sa 3,339 examinees na tagumpay na pumasa at ganap nang electrical engineer.
BASAHIN: 57.86% examinees, pasado sa REE; 42.21% naman sa RME
“Biggest takeaway ko po ay isipin muna kapakanan or kung paano maka-giveback sa parents po. ‘Yung lovelife kasi dadating ‘yan. Alam ko naman na ibibigay ‘yan ni Lord sa tamang panahon,” saad ni Abadilla.
Para sa susunod na yugto ng kaniyang buhay, sinabi ni Abadilla plano niyang mas paigtingin pa ang mga abilidad na nahubog sa ilang taon niyang pagpupursigi para mapalago ang kaniyang sarili.
“More on technical experience or training or anything that would nurture my capabilities po. Plan ko kasi mag ETO 1-2 years after po ngayon,” ani Abadilla.
–
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa amingFacebookatTwitter!