Nakarating na sa kaalaman ni Rendon Labador ang ginawang "motivational rice artwork" ng grupo ng artists mula sa lalawigan ng Isabela, na may presyong ₱100,000.
Ibinahagi ng artist na si Giovani Garinga, 29, mula sa San Sebastian Ramon, Isabela ang pinaghirapan nilang rice artwork ng kaniyang grupong GTeam/Rice Art Nation.
"BATTLE OF THE MOTIVATED! P100 motivational rice v.s. P100K rice art of the motivated rice artists," ayon sa caption. Ang title ng kanilang rice artwork ay "One Hundred Motivation" na may size na 68cm X 50cm.
Ayon sa panayam ng Balita kay Giovani, naisipan nilang gumawa ng rice on canvas sa pamamagitan ng roasted rice, dahil na-motivate sila sa motivational rice ni Rendon. Pito aniya silang nagtulong-tulong upang matapos ang artwork at natapos nila ito sa loob ng tatlong araw.
"Medium po namin and rice sa paggawa ng artwork kaya noong nagviral po yung motivational rice, sakto naghahanap po kami ng next subject, kaya si Rendon na po," aniya.
Intensyon umano nilang makarating ito kay Rendon at hamunin itong bilhin ang kanilang artwork na nagkakahalagang ₱100k.
"This is to challenge Rendon. We purposely priced the artwork x2 the actual price. Gaya po ng ginawa niya sa motivational rice. And we'll see kung bibilhin niya yung artwork namin," aniya.
Batay sa Facebook posts ni Rendon ay mukhang suportado niya ang artwork subalit balak aniya itong ipa-auction hanggang ₱1M, ayon naman sa follow-up na panayam ng Balita kay Garinga. Bagama't hindi kinagat ang ₱100k, maganda raw ang naisip ni Rendon gayundin ang intensyon nito.
"Gusto niya po paabutin ng ₱1M yung bid. 50% mapupunta sa farmers and 50% sa artists," pahayag ni Garinga.
Magaganap daw ang auction day sa Mayo 24.