Arestado ang mag-live-in partner na nasa drug watch list ng pulisya bilang street-level individuals (SLI) sa ikinasang buy-bust operation noong Martes ng gabi, Mayo 2, sa Pasay City.
Ayon sa Southern Police District (SPD), kinilala ni Pasay City Police chief Col. Froilan Uy ang mga suspek na sina Joel de Guzman, 35, at Mary Joy Panilagao, 27. Inaresto sila ng mga miyembro ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) dakong alas-9 ng gabi sa P. Santos Street Barangay 177, Zone 18, Pasay City.
Nakumpiska ng operatiba ng SDEU mula sa mga suspek ang nasa 9.50 gramo ng umano'y shabu na nagkakahalagang P64,600, P3,000 buy-bust money, at coin purse.
Nasa police custodial facility ang mga suspek at nahaharap sa kasong illegal possession of drugs.