Pinawi ng Department of Health (DOH) ang pangamba ng mga Pinoy hinggil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga naitatalang bagong kaso ng Covid-19 sa bansa at iginiit na hindi ito dapat na maging dahilan ng kanilang pagpapanik.
Ipinaliwanag ni DOH Officer-In-Charge Maria Rosario Vergeire nitong Huwebes na ang mas mahalagang tinitingnan nila ay ang healthcare system ng bansa at hanggang manageable ito ay wala aniyang dapat na ipag-alala ang mga mamamayan.
“We don't need to panic. Ang tinitignan na natin kasi po ngayon 'yong healthcare system capacity, if it's manageable then we are good,” paniniyak pa ni Vergeire sa mga mamamayan.
Ayon kay Vergeire, bagamat tumataas ang mga bagong kaso ng Covid-19, ang karamihan naman aniya sa ito ay mild at asymptomatic lamang.
Wala rin aniyang masyadong nao-ospital sa mga bagong pasyenteng tinamaan ng virus.
"Our health care utilization [rate] across the country is less than 20 percent. All of our regions are registering less than 20 percent, meaning wala po masyadong nao-opsital. Kung mayroon man tayong binabantayan ngayon na ospital, ito po 'yong mga ospital na tumataas ang percentage ng utilization because somehow most of them kulang ang kama," dagdag pa ni Vergeire.
Siniguro rin naman niya na inabisuhan na ng DOH ang mga ospital na ihanda ang Covid-19 beds sakaling tumaas pa ang mga kaso ng sakit.
"'Yon pong COVID wards ay nandoon naman talaga. Hindi po siya sinara. Pinapa-prepare lang namin," dagdag pa ng health official.
Sinabi rin ni Vergeire na posibleng tumataas ang mga kaso dahil sa mga variant ng Covid-19, "mobility" ng populasyon, at vulnerability ng indibidwal.
Tiniyak rin niya na sa ngayon ay wala pa ring plano ang DOH na ibalik ang mandatory na pagsusuot ng face mask sa bansa.
Paulit-ulit pa rin naman ang payo ng DOH sa mga Pinoy na boluntaryo nang magsuot ng face masks lalo na sa mga kulob at matataong lugar, patuloy na tumalima sa health protocols laban sa Covid-19 at magpabakuna at booster shots na laban sa Covid-19.