Camp Vicente Lim, Laguna -- Halos ₱1 milyong halaga ng umano'y shabu ang nasabat habang nahuli naman ang apat na drug suspect kabilang ang tatlong high value individuals sa magkahiwalay na anti-illegal drug operation sa Calamba City at Siniloan, Miyerkules, Mayo 3.
Kinilala ni Police Regional Office 4A director Brig. Gen. Carlito Gaces ang mga suspek na sina Abdul Jalil Darang, Omelya Baute, Apollo Agpangan, at Raymond Catalan.
Sina Darang, Baute, at Agpangan ay kabilang sa listahan ng HVI habang si Catalan ay street level individual.
Naaresto sina Darang at Baute sa Calamba City sa Lake View Subdivision, Barangay Halang ng City Police Drug Enforcement Unit dakong alas-7:40 ng gabi noong Mayo 3. Nakumpiska sa kanila ang 110 gramo ng hinihinalang shabu na hinati sa tig-55 gramo na nakalagay sa dalawang magkahiwalay na plastic sachet na may tinatayang street value na ₱748,000.00.
Sa bayan ng Siniloan, nakipagtransaksyon sina Agpangan at Catalan sa pampublikong sementeryo sa Barangay Kapatalan sa mga undercover na pulis ng Provincial Special Operation Unit at Siniloan Police alas-9:03 ng gabi.
Nakuha mula sa pag-iingat ni Agpangan ang 50.4 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang street value na ₱340,000.00, shabu paraphernalia, isang cellular phone, at marked money.
Nasa kustodiya ng kani-kanilang himpilan ng pulisya ang mga suspek habang ang mga kasong may kinalaman sa droga ay isasampa sa korte.