Lumabas na umano ang desisyon ng California jury hinggil sa "breach of contract" ng dating senador at Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao sa Paradigm Sports Management.
Ayon sa ulat, kailangan umanong magbayad ng $5.1 million si PacMan sa PSM, matapos paburan ang huli sa botong 9-3. Pinababalik umano ng korte ang $3.3 million advance ng boksingero sa PSM, at may dagdag pang $1.8 million in damages, na sa kabuuan ay may $5.1 million o ₱281.97 million.
Matatandaang noong Huwebes, Abril 27, 2023, nagbakbakan sa korte ang mga abogado ng dalawang panig para sa kanilang closing arguments.
Ayon sa legal counsel ni PacMan na si Atty. Bruce Cleeland, na-take advantage umano ang kaniyang kliyente at hindi umano nagampanan ng kompanya ang kanilang obligasyon kay PacMan pagdating sa mga laban, endorsements, at pagkompleto sa $4-million advance.
Buwelta naman ng abogado ng Paradigm na si Atty. Judd Bernstein, nag-conceal umano ang kampo ni Pacquiao sa pre-existing agreements kasama ang TGB Promotions. Naging mahirap din umano ang pag-fulfill nila sa kanilang duties dahil na rin daw sa boksingero.
Matatandaang noong 2021 nagsampa ng kasong breach of contract ang PSM laban kay Pacquiao. Ang Paradigm Sports Management ay isang sports company na itinatag ni Audie Attar noong 2009. Nakabase ang kompanyang ito sa Orange County, California. Ito rin ang nangasiwa sa career ni dating UFC Champion Conor McGregor.