Nakumpiska ng mga operatiba ng Caloocan City Police Station (CCPS) ang kabuuang P460,000 halaga ng umano'y shabu at marijuana mula sa isang lalaki at isang babae sa magkahiwalay na anti-illegal drugs operations sa lungsod nitong Miyerkules, Mayo 3.

Kinilala ni Col. Ruben Lacuesta, hepe ng CCPS, ang mga suspek na sina Asliah Sambitory, 39, residente ng Zambales; at James Christian Gani, 22, ng Camarin Caloocan City.

Arestado si Sambitory ng mga miyembro ng CCPS Drug Enforcement Unit (SDEU) sa isinagawang buy-bust operation dakong ala-1:10 ng madaling araw nitong Miyerkules sa Sta Rita Street sa Barangay 188, Caloocan.

Nakuha sa kanya ang 50 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P340,000, ang buy-bust money, at isang brown na sobre.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Nahuli rin ng SDEU si Gani sa Brgy. 175, Camarin, Caloocan City dakong alas-12:30 ng madaling araw matapos makatanggap ng report mula sa isang concerned citizen tungkol sa kanyang aktibidad sa ilegal na droga sa lugar.

Sinabi ng pulisya na sa kanilang operasyon, nakita nila ang suspek na nakikipagkalakalan umano ng iligal na droga sa ibang lalaki.

Tumakbo si Gani at ang hindi pa nakikilalang lalaki nang mapansin ang mga alagad ng batas na nauwi sa maikling habulan.

Nakuha sa suspek ang isang pulang paper bag na naglalaman ng isang kilo ng umano'y marijuana na nagkakahalaga ng P120,000.

Tinutugis ng mga awtoridad ang pangkat ng suspek.

Sina Gani at Sambitory ay sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Aaron Homer Dioquino