Tiniyak ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Miyerkules na magpapatayo siya ng isang bago, mas maganda at mas organisadong Pritil Market, na mananatiling pampubliko, kapalit ng nasunog na palengke sa lugar.
Matatandaang nasunog ang lumang Pritil Market sa Tondo, Manila kamakailan at naaapektuhan nito ang nasa 491 stalls doon.
Personal namang binisita ni Lacuna ang mga vendors at ininspeksiyon ang nasunog na palengke kasama sina Vice Mayor Yul Servo, First District Congressman Ernix Dionisio, City Engineer Armand Andres at Manila Traffic and Parking Bureau head Zenaida Viaje.
Sa kanyang pakikipag-usap sa mga vendors, tiniyak ni Lacuna na patatayuan niya ng bagong pamilihan ang naturang lugar at mananatili itong pagma-may-ari ng lungsod.
Kasabay nito, tiniyak rin ng alkalde sa mga apektadong vendor na sila ay tatanggap ng tig-P5,000 financial assistance mula sa pamahalaang lungsod, alinsunod sa mga limitasyong itinakda ng batas, at madaragdagan pa ito ng isa pang tulong mula sa tanggapan ni Congressman Dionisio sa ilalim ng kanyang TUPAD program.
Nagpahayag rin naman ng kalungkutan si Lacuna na ang buong palengke ay kailangang gibain para bigyang-daan ang pagtatayo ng bago.
Mismong ang mga eksperto na kasi aniya ang nagsabi na hindi na maaaring rehabilitasyon lamang ang gawin sa palengke upang hindi makompromiso ang kaligtasan ng marketgoers at mga tindero.
Sa kanyang pakikipag-usap sa mga may-ari ng stall, umapela rin naman si Lacuna ng pasensya at pang-unawa dahil kailangan nilang pumwesto sa isang pansamantalang vending area habang ang lokal na pamahalaan ay kumukuha ng pondo para sa pagpapatayo sa bagong palengke.
Sa loob nito, sinabi niya na ang mga wet at dry goods ay magsasama-sama at ang mga sukat ng mga stalls ay magiging pare-pareho, upang maging patas sa lahat.