Pinagmulta ng pamunuan ng Philippine Basketball Association (PBA) nitong Miyerkules si Magnolia Hotshots player Jio Jalalon at siyam na iba pang manlalaro ng liga dahil sa pakikilahok sa 'ligang labas' kamakailan.
Umabot sa ₱100,000 ang multa ni Jalalon dahil sa dalawang beses na itong naglaro sa 'ligang labas' kahit walang pahintulot ng kanyang koponan.
Dati nang sinuspindi at pinagmulta ng Magnolia si Jalalon kaugnay sa usapin.
Tig-₱50,000 naman ang multa nina Rain or Shine (ROS) player Beau Belga at JR Quinahan ng NLEX, dagdag pa ang tig-₱20,000 na multa matapos masangkot sa away sa kanilang paglalaro sa Cebu kamakailan.
Pito pang PBA player ang pinagmulta ng tig-₱50,000. Ang mga ito ay sina Rey Nambatac, at Jhonard Clarito (ROS), Vic Manuel at Allyn Bulanadi (San Miguel Beermen), Alec Stockton at Barkley Ebona (Converge), at Arwind Santos (NorthPort).
Tanging si Robert Bolick ang hindi pinagmulta matapos mag-expire ang kontrata nito sa NorthPort nang matapos ang Governors' Cup.
Naglaro si Bolick sa isang exhibition game sa Cebu kamakailan, kasama nina Quinahan, Belga, at Jalalon, kung saan naganap ang naturang gulo.