Sumirit pang lalo at umabot na sa 18.8% ang weekly COVID-19 positivity rate sa National Capital Region (NCR) hanggang nitong Mayo 1.
Sa datos na ibinahagi ni Dr. Guido David, ng OCTA Research Group, nitong Martes ng gabi, nabatid na ito’y pagtalon ng 7.1 puntos, kumpara sa 11.7% lamang na naitala noong Abril 24.
“NCR 7-day positivity rate increased to 18.8% as of May 1, 2023. It was at 11.7% on April 24,” tweet pa ni David.
Ang positivity rate ay tumutukoy sa porsiyento ng mga taong nagpopositibo sa COVID-19 mula sa kabuuang bilang ng mga isinailalim sa pagsusuri.
Inirerekomenda ng World Health Organization (WHO) ang 5% na threshold para sa COVID-19 positivity rate.
Samantala, iniulat rin ni David na hanggang nitong Mayo 2 ay umabot na sa 15.9% ang nationwide positivity rate ng Pilipinas.
Nakapagtala rin aniya ang bansa sa nasabing petsa ng 843 bagong kaso ng sakit, sanhi upang umabot na sa 4,095,468 ang total COVID-19 cases.
Sa naturang bilang, 7,087 ang aktibo pang kaso o nagpapagaling pa sa karamdaman.
Wala namang naitalang namatay sa sakit sa nasabing petsa kaya’t ang total COVID-19 deaths sa bansa ay nananatili sa 66,444.
Mayroon namang 885 pasyente na nakarekober na sa sakit.Sa ngayon, ang Pilipinas ay mayroon nang 4,021,987 na total COVID-19 recoveries.
“May 2 2023 DOH reported 843 new cases, 0 deaths (0 in NCR) 885 recoveries 7087 active cases. 15.9% nationwide positivity rate. 380 cases in NCR, 105 in Cavite, 55 in Rizal. Projecting 700-900 new cases on 5.3.23,” aniya pa.