Iniulat ng independiyenteng OCTA Research Group nitong Martes na pumalo pa sa 17.2% ang Covid-19 positivity rates ng National Capital Region (NCR) habang maraming lalawigan na rin sa bansa ang nakapagtala ng pagtaas ng positivity rates.

Sa datos na ibinahagi ni OCTA Research Fellow Dr. Guido David, nabatid na mula sa dating 10.2% lamang noong Abril 22, ang 7-day Covid-19positivity rate ng NCR ay umabot na sa 17.2% noong Abril 29, 2023.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“NCR 7-day positivity rate up to 17.2% as of April 29 2023, from 10.2% on April 22,” tweet pa ni David.

Maraming lalawigan na rin aniya ang tumaas at nakapagtala ng double digits na 7-day positivity rates, kabilang ang Batangas na mula sa 5.9% noong Abril 22 ay naging 11.2% na noong Abril 29; Benguet (9.2% - 11.5%); Bulacan (7.8% -10.4%); Cebu (8.2% - 12.3%); Palawan (5.4% - 10.6%); at Pampanga (8.3% - 12.1%).

Nakapagtala naman ng high positivity rates ang ilang probinsiya, kabilang ang Camarines Sur (32.1% - 39.7%), Rizal (21.7% - 28.5%), Cavite (11.1% - 28.1%) at Laguna (13.2% - 21.2%).

Nagsitaasan rin naman ang positivity rates ng mga lalawigan ng Davao del Sur (7.5% - 8.6%); Iloilo (3.5% - 5.5%); Isabela (11.7% - 16.7%); Negros Occidental (10.9% - 14.4%); Pangasinan (3.8% - 7.5%); South Cotabato (6.2% 0 7.2%); at Zamboanga del Sur (5.7% - 9.5%).

Samantala, ang Misamis Oriental naman ay nakapagtala ng pagbaba ng positivity rate na mula 18.1% noong Abril 22 ay naging 12.9% na lamang noong Abril 29.

“7-day #Covid19 positivity rates as of Apr 29 2023 increased to double digits in many provinces. High positivity rates in Camarines Sur (39.7%), Rizal (28.5%), Cavite (28.1%) and Laguna (21.2%),” tweet pa ni David.

Sa isang panayam naman sa telebisyon, sinabi ni David na ang panibagong pagtaas ng mga kaso ng Covid-19 ay maaaring dulot ng bagong Covid-19 Omicron subvariant na XBB.1.16, o mas kilala sa tawag na ‘Arcturus,’ gayundin ng pagbaba ng immunity ng mga mamamayan, pagdagdag ng mobility ng mga mamamayan at pagpapabaya na ng ilan at hindi pagtalima sa health protocols.

“It’s mainly dahil doon sa Acrturus subvariant… Of course, may other factors din. Waning immunity is one other factor and then increased mobility and complacency ng mga kababayan natin are other factors,” paliwanag pa ni David.

Sinabi pa ni David na inaasahan na nilang lalo pang tataas ang mga bagong kaso ng Covid-19 ngunit maaaring hindi naman aniya ito kasing lala ng Omicron wave noong Enero 2022 at ng Delta wave, pagdating sa hospitalisasyon.

Aniya pa, dapat na ring asahan ng publiko na occasionally ay magkakaroon ng bagong Covid-19 wave sa bansa. “In the same way na yung dengue is endemic pero nagkakaroon tayo ng waves every year pag season ng dengue. So ganon din itong virus. So we will have waves. We will see waves like this. This is not something na unexpected actually.”

Dagdag pa niya, “Ang concern lang natin kung mag mutate into something mas severe ulit ang COVID, then we may have to recalibrate our protocols.”

Sa kabila naman nito, naniniwala si David na hindi pa kailangang gawing mandatory muli ang pagsusuot ng face mask sa bansa at ipaubaya na lamang ito sa diskresyon ng mga local government units.

“Sa tingin ko naman, ‘yun nga, we can still opt to wear face masks whether or not gawing mandatory. I-disseminate na lang natin. We can raise awareness sa mga kababyaan natin na may kumakalat na subvariant,” ani David.