Iniulat ng Department of Education (DepEd) nitong Martes na pinagkalooban na nila ng Mental Health and Psychosocial Support (MHPSS) ang mahigit 1000 mag-aaral at 100 teaching at non-teaching personnel sa buong Schools Division of Masbate na naapektuhan ng armed conflict kamakailan.

Sa isang kalatas, sinabi ng DepEd na sa pangunguna ng Disaster Risk Reduction Management Service (DRRMS), kasama ang Learner Rights and Protection Office (LRPO), nagsagawa sila ng mga aktibidad sa Mental Health and Psychosocial Support (MHPSS) mula Abril 25 hanggang 27, sa Villahermosa Elementary School at Villahermosa National High School sa Caitangan, Masbate, at Locso-an Elementary School at Arriesgado Sevilleno National High School sa Placer, Masbate.

“This is the reality that we need to respond to, and there is an urgency to react to these situations. Anchored on the MATATAG Agenda, our response is to provide a safe environment for our teachers and learners,” pahayag pa ni Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS) Director Atty. Christian E. Rivero.

Binigyang-diin din ni Atty. Rivero ang papel ng Psychological First Aid (PFA) providers sa pagtugon sa pangangailangan ng mga mag-aaral at school personnel, lalo na sa mga komplikadong sitwasyon.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Samantala, sinabi ni DepEd Regional Office V Lead Representative Bb. Maria Cristina G. Baroso na ang pagsasagawa ng PFA ay nagbibigay daan sa mabuting koneksyon ng tao para sa mga apektadong mag-aaral at guro.

Dagdag pa niya, bukod sa pagkilala sa kanilang nararamdaman, isang pagkakataon din ito upang maibahagi ang mga pinagmumulan ng lakas na maaaring makuha sa paaralan at komunidad.

Kasama ng 85 PFA providers mula SDO Masbate, binigyan ng DepEd-DRRMS at RO V ng MHPSS ang mga conflict-affected personnel at mga mag-aaral.

Nagsilbing eksperto at resource person sa probisyon at oryentasyon ng PFA ang mga implementing partners, kabilang sina Bb. Florina Padilla-Santiago, isang psychologist mula sa Psychological Association of the Philippines’ (PAP) MHPSS-Special Interest Group (SIG), at G. Kurt Essa Rastrullo, isang Registered Guidance Counselor mula sa SDO Legazpi.

Sa kabilang dako, binigyang-diin naman ni School Governance and Operations Division Chief Education Supervisor Mark Anthony H. Rupa sa aktibidad na pangunahing prayoridad dito ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at PFA team.

Pinaalalahanan din niya ang mga PFA providers na manatiling kalmado at manatiling nakatuon sa deployment ng PFA sa anomang hirap ng sitwasyon.

Ayon sa DepEd-DRRMS, plano ng SDO Masbate na palakasin ang kapasidad ng mga eskuwelahan na tumugon sa mga katulad na sitwasyon sa suporta ng Central Office at Regional Office.