“Na-stroke po ako at ito na lamang ang naisip kong paraan para isurrender siya. Sa sino man po ang makakakuha sa kaniya, sana ay mahalin at alagaan ninyo nang mabuti ang aso ko…”

Masakit man sa kaniyang kalooban, pinaampon ni Lola Ignacia, mula sa Tondo, Maynila, ang kaniyang pinakamamahal na aso dahil sa hindi na raw niya ito maalagaan matapos niyang ma-stroke.

Sa panayam ng Balita, kinuwento ng Animal Kingdom Foundation (AKF), isang non government organization, na natanggap nila ang sulat ni Lola Ignacia kasama ang aso nito na nakasilid sa isang kahon.

“The letter was in the box, with the dog when found,” saad ng AKF.

Human-Interest

Dating tindero ng isda sa Quiapo, sikat na filmmaker na sa Dubai!

Makikitang ibinahagi ng AKF sa kanilang Facebook post ang laman ng nakaaantig na sulat ni Lola Ignacia.

“Humihingi po ako ng pasensya dahil ako ay may karamdaman at di ko na maalagaan ang aso ko na ‘di makatayo,” saad ni Lola sa kaniyang sulat.

Sinabi rin ni Lola Ignacia na nag-utos lamang siya sa tricycle driver kung saan pwedeng ibigay ang kaniyang aso, at ibinilin dito na sana’y maipagpatuloy ng mag-aampon ang pagpapainom ng gamot ng kaniyang alaga.

Sa kaparehong post ay sinagot naman ng AKF ang sulat ni Lola at sinabing nasa kanila na ang aso at nangakong, tulad ng kaniyang bilin, ay aalagaan nila ito nang maayos.

“Nakalulungkot na kailangan po ninyong gawin ito pero naiintindihan po namin ang iyong sitwasyon,” saad ng AKF.

“Ipagdadasal rin po namin kayo, na lumakas at gumaling. at kung sakali man, bukas po ang aming tanggapan upang inyong makasamang muli ang inyong mahal na alaga,” dagdag nito.

Dahil hindi raw nailagay ni Lola Ignacia ang pangalan ng kaniyang mahal na aso, tatawagin na muna raw ng AKF ito na “Tonton”. 

Nanawagan din ang organisasyon na sana’y magkaroon sila ng komunikasyon kay Lola para ma-update raw nila ito tungkol sa kalagayan ni Tonton, na pabiyahe na papunta sa kanilang shelter sa Capas, Tarlac, na siyang magiging pansamantalang tahanan niya.

Nangako rin ang AKF kay Lola na ipatitingin nila si Tonton sa doktor upang malaman ang dahilan ng kaniyang pagkaparalisa.

Sinabi rin ng organisasyon na bukas sila para sa mga nais magbigay ng tulong para sa gamutan at rehabilitasyon sa mahal na alaga ni Lola Ignacia.