Nawindang ang mga netizen sa viral Facebook post ng isang artist na si "Chaboy Dela Cruz" matapos daw siyang padalhan ng bible verse ng isang kliyenteng nagpapa-drawing sa kaniya ng portrait, sa halip na bayaran siya.

Kalakip ng kaniyang Facebook post ang screengrab ng convo thread ni Chaboy sa kaniyang babaeng kliyente, na nagpadala ng dalawang selfies sa kaniya.

Inutusan siyang i-drawing ang litratong sinabi niyang mas maganda, at hihintayin daw hanggang Miyerkules. Nang tanungin ni Chaboy kung babayaran ba siya, lumitanya ang kliyente na kailangan daw ba, at saka siya pinadalhan ng bible verse mula sa Hebreo 13:5-8.

"Nak huwag mo hayaang isangla ang kaluluwa mo kay Satanas para lang sa kapirasong pera," saad nito.

Trending

Mister, gustong makitang nakikipagtalik ang misis niya sa iba

Ipinaliwanag naman ng artist na hindi naman sa pagsasanla ng kaluluwa sa demonyo, subalit kailangan niya ng pera dahil nga isa siyang artist. Nag-offer pa siya ng discount para sa kaniya, huwag lamang libre.

Ngunit tila walang balak na magbigay ng bayad ang kliyente; sa halip ay kinuha nito ang kompletong pangalan ng artist para daw ipag-pray over.

"Sendan ba naman ako ng bible verse, so pano pa ko tatanggi nyan ante?" ani Chaboy sa caption ng kaniyang FB post.

"PARA SA MGA ARTIST JAN, WAG NA KAYONG MANINGIL KUNG AYAW NYONG MASANGLA KAY SATANAS MGA KALULUWA NYO," birong hirit pa ni Chaboy.

Ayon sa panayam ng Balita kay Chaboy, kaya niya ipinost ito ay upang magpakalat ng awareness na hindi libre ang pagpapagawa ng portrait na kabuhayan ng mga artist. Hindi rin aniya dapat ginagamit ang bible verse sa mga ganitong sitwasyon.

"The reason for posting this convo with her, is to aware them na hindi po libre yung ganitong profession, and also, dapat hindi rin po natin ginagamit yung mga bible verses sa mga walang kabuluhang bagay gaya po nito," aniya.

Napag-alaman din ng Balita na hindi niya personal na kakilala ang naturang kliyente.

"Hindi ko po s'ya kilala personally, noong una po akala ko kliyente po s'ya na magpapagawa ng portrait, pero di po ata s'ya aware na may bayad po ang ganitong profession, hindi na rin po ako nag-reply after po ng last convo namin."

Sa positibong panig naman, tila epektibo raw ang "pray over" ng kliyente dahil matapos mag-viral ang kaniyang post ay marami na raw ang nagpapadala ng private message sa kaniya upang magtanong at magkomisyon ng pagawang artwork. Sa dami raw ay hindi na niya kayang estimahin sila sa isang araw.

Umabot na sa 59k reactions, 35k shares, at 3.4k comments ang naturang trending FB post.

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa amingFacebookatTwitter!