Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Martes na nakapagtala sila ng 4,456 bagong kaso ng Covid-19 sa bansa mula Abril 24 hanggang 30.
Sa inilabas na National Covid-19 case bulletin ng DOH, nabatid na ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 637, mas mataas ng 42% kumpara sa mga kasong naitala noong Abril 17 hanggang 23.
Anang DOH, sa mga bagong kaso, 22 ang may malubha at kritikal na karamdaman.
Ang magandang balita, wala namang pasyente ang naitalang pumanaw dahil sa karamdaman sa mga nasabing petsa.
Samantala, iniulat rin naman ng DOH na noong Abril 30, 2023, mayroong 351 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa mga ospital sa bansa dahil sa Covid-19.
Mula anila sa 2,021 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, nasa 303 o 15.0% ang okupado habang 3,157 o 18.1% ng 17,480 non-ICU Covid-19 beds naman ang kasalukuyan ding ginagamit.
Kaugnay nito, patuloy na pinapaalalalahan ng DOH ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng Covid-19.
“Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1,” anang DOH.
Paalala pa ng DOH, laging magsuot ng best-fitted face mask at kung maaari, manatili sa well-ventilated na mga lugar.
“Sa oras na makaramdam ng sintomas, AGAD NA MAG-ISOLATE,” anito pa.
Para naman anila sa karagdagang proteksyon laban sa banta ng Covid-19, agad-agaran na tayong magpabakuna at booster.