Kinain ng isang estudyante ang banana artwork na naka-duct tape sa Leeum Museum of Art sa Seoul, South Korea, dahil umano sa nagugutom siya.
Pagkatapos kainin ang saging, idinikit umano ng estudyante ang balat pabalik sa dingding.
Pinalitan naman umano ito ng museo ng sariwang saging.
Sa ulat ng CNN, sinabi ng tagapagsalita ng museo na walang ginawang espesyal na aksyon dahil sa biglaang nangyari ang insidente.
"The artist was informed of the incident but he didn't have any reaction to it," saad nito sa CNN.
Gawa umano ng Italian artist na si Maurizio Cattelan ang artwork na pinamagatang "Comedian”.
Naging isang art world sensation ito matapos ibenta sa halagang $120,000 sa Art Basel Miami Beach noong Disyembre 2019.
Kasalukuyang naka-display ang nasabing artwork bilang bahagi ng solo exhibition ng Cattelan na “WE” hanggang Hulyo 16.
Pinapalitan naman umano ang saging tuwing dalawa o tatlong araw, at hindi pinagbibili.