Nagsimula na nga ang pinakahihintay na barangay hall on-air at tinaguriang "talakseryeng" Face 2 Face hosted by Mama Karla Estrada kasama si Alex Calleja kahapon ng Lunes, Mayo 1.
Pilot episode pa lamang ay talaga namang mainit na ang isyu tungkol sa utang na hindi nabayaran mula sa isang tindera ng isda na nagngangalang "Marina." Katwiran ng inirereklamo, hindi naman daw niya nakain ang paninda dahil bulok na ito. Isa pa, grabe raw kung mamahiya at maningil ng utang si Marina, na ginagawa nito kahit nasa pampublikong lugar sila.
Katwiran naman ni Marina, matagal na raw kasing hindi nababayaran ang utang ni Marivic, at kailangan niya ring magbayad ng utang sa lending na pinagkukuhanan niya ng pamuhunan sa kaniyang mga paninda.
Maya-maya, dumating ang isa pang kakampi ng tindera na si "Ruby" at rumesbak kay "Marivic" na ang estilo raw talaga ay aawayin ang mga pinagkakautangan upang hindi na magbayad.
Sumunod naman, dumating ang isa pang may utang kay Marina na si "Edna" na kapatid pala ni Ruby, at pinag-away raw ni Marivic. Inireklamo rin ni Edna si Marina na namamahiya raw kapag naniningil ng utang.
Sa puntong ito, dumating naman ang isa pang babaeng nagngangalang "Girlee" na inirereklamo naman si Marivic na "tinikman" ang kaniyang kinakasama.
Sa bandang huli, nagbigay ng kanilang advices ang Trio Tagapayo na sina Atty. Lorna Kapunan, Dr. Love, at Dra. Camille Garcia.
Sey ni Atty. Kapunan na siyang legal adviser, ang utang ay utang at nararapat itong bayaran. Pagdating naman sa biniling paninda na inaakusagang "bulok," sana raw ay hindi ito tinanggap noong una pa lamang.
"Ang utang, sa batas, ay utang. Kailangang bayaran lalo na 'pag ang sinasabi ninyo ay bulok, dapat hindi tinanggap. Kasi sa batas, kontrata 'yon. Contract of sale 'yon. Pag inoffer tapos inaccept, kontrata na 'yan. At dapat bayaran…"
"Utang is utang. Tinanggap n'yo, bayaran n'yo," dagdag pa ng abogado.
Payo pa niya, i-settle na nila ang mga problema sa utang dahil mas mahal pa kung i-aakyat pa ito sa husgado dahil kailangan pa nilang magbayad ng legal counsel na dedepensa sa kanila, gayong wala pang 1,000 piso ang pinag-uusapang utang.
Kitang-kitang nairaos naman ni Mama Karla ang salpukan at bardagulan ng magkakaaway na kampo sa pilot episode, at abangan pa ang kaniyang improvement sa pag-handle ng mga ganitong senaryo, sa mga susunod na episode.