San Jose, Batangas -- Kalunos-lunos ang pagkamatay ng isang 35-anyos na rider matapos itong mabangga at masagaan ng cargo truck na nawalan ng preno habang binabagtas ang national road sa Barangay Poblacion 1, sa bayang ito noong Lunes ng hapon, Mayo 1. 

Kinilala ang biktima na si Marlon de Rama, residente ng Barangay Namuco, Rosario, Batangas. 

Ayon sa ulat ng San Jose Police, minamaheno ni De Rama ang kaniyang motorsiklo nang mabanga ng isang cargo truck na minamaneho naman ng suspek na si Basilio Fabro, 57, residente ng Peñaranda, Nueva Ecija. 

Ang trak ay kargado umano ng 30,990 kilo ng soya beans na ihahatid sa Batangas City.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Nangyari ang insidente bandang 5:45 ng hapon nang mawalan ng preno ang trak patungong Batangas City at nang makarating sa kurbadang bahagi ng Makalintal Avenue, bumangga ito sa motor ng biktima.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga, nagtamo ng matinding sugat ang biktima at binawian ng buhay. Bukod dito, nasunog ang kaniyang motorsiklo at nahagip din siya ng apoy.

Rumesponde sa pinangyarihan ng insidente ang Bureau of Fire Protection (BFP) San Jose, at Local Disaster Risk Reduction Management Office.

Hindi naman nasaktan ang drayber ng trak ngunit suya maghaharap sa reklamong kriminal na isasampa laban sa kaniya ng korte.