Inihirit ni Senator Raffy Tulfo ang pagkakaroon ng dagdag na suweldo sa mga manggagawa kung saan itinakda na ang unang pagdinig nito sa Mayo 10 ngayong taon.

Sa kanyang Senate Resolution No. 476 noong Pebrero 2023, nais ng senador na ipatawag ang lahat ng Regional Tripartite Wages Board at lahat ng stakeholders ng labor sector, kabilang ang Department of Labor and Employment (DOE) at Department of Trade and Industry (DTI) upang dinggin ang naturang panawagan ng mga manggagawa na magkaroon na dagdag-sahod.

“Sa araw na ito, bigyang-pugay natin ang mga bayani ng ating bayan — ang mga manggagawang Pilipino,” anang senador.

Aniya, alam ng lahat na marami sa kanila ay naghihikahos dahil hindi sapat ang sahod na kanilang natatanggap para ipantawid sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya.

Sa pahayag naman ng research group na IBON Foundation, dahil sa inflation, ang arawang sahod na kinakailangan upang mabuhay nang disente ang isang pamilyang Pilipino na may limang miyembro, ay₱1,161.00 kada araw.