Naging mapayapa at maayos sa kabuuan ang isinagawang public activities ng ilang labor group kaugnay ng pagdiriwang ng Labor Day nitong Mayo 1.
“So far, sa ating pagmomonitor simula pa lang kaninang umaga ay relatively peaceful at maayos naman 'yung mga isinagawang rally at public assembly nung mga kababayan natin na nais magpahayag ng kanilang damdamin, lalung lalo na 'yung pagtawag nila ng pansin sa ating gobyerno,” paliwanag ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Col. Jean Fajardo sa pulong balitaan sa Camp Crame nitong Lunes.
Nalansag aniya ng mga pulis ang ilang public assembly sa Region 4A o CALABARZON (Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon).
Wala ring naitalang insidente sa isinagawang programa ng mga militanteng grupo sa Mendiola.
"Simula kaninang pagmo-monitor natin ang pinakamalaki natin na-monitor mga around 11 a.m. to 12 noon, may mga na-monitor tayo nung nag-converge na sila dito sa Mendiola, mga around 1,500 to 2,000 at maayos naman sila nagsagawa ng kanilang activities at early on naman ay we also have to give credit to them particularly doon sa kanilang mga lider na nakipag-ugnayan sa atin,” sabi pa ni Fajardo.
Philippine News Agency