Binira ng showbiz columnist-talent manager na si Lolit Solis ang dating Kapamilya star na si Liza Soberano, matapos ang pinag-usapang pahayag nito sa panayam sa podcast ng mga Koreanong sina Ashley Choi at Peniel.
Ang pamagat ng episode ng podcast ay "Liza Soberano on Spending Money and Managing Stress" kung saan isa sa mga natanong sa kaniya ay ang showbiz career.
Nabanggit ni Liza ang tungkol sa kaniyang bagong sinalihang management na "Careless" na pagmamay-ari ni James Reid na actor-singer din sa Pilipinas.
Dito ay nabanggit ni Liza ang tungkol sa pagkakaroon ng "love teams" sa Philippine showbiz. Ikinuwento niya na sa Pilipinas, kung hindi ka singer, mas mapabibilis ang pagsikat ng isang artist kapag ipinareha sa isang tambalan o love team.
Inihalintulad pa niya ito kina Angelina Jolie at Brad Pitt.
"In the Philippines, the only way to become a big star really, if you're not a singer, if you're an actor, is to be in a love team," ani Liza.
Ginawa pa niyang halimbawa ang kaniyang sariling track record, na kung susuriin daw ang kaniyang mga ginawang pelikula at TV shows, mapapansing ipinareha lamang siya sa iisang co-actor (Enrique Gil).
Nagkakaroon daw ng "ilusyon" sa fans na ang mga tambalan ay "real-life couple" kaya kung ipapareha na sa iba ang mga artistang "nakahon" sa love team, magngingitngit ang kalooban ng kanilang die-hard supporters.
Nagulat naman sina Ashley at Peniel sa kalakaran ng showbiz industry sa Pilipinas.
Sey naman ni Liza, matagal na raw itong kalakaran sa showbiz noon pang 70s o 80s.
Sa kabilang banda, hindi naman daw hinuhusgahan ni Liza ang ilang love teams na nauwi sa totohanan ang kanilang relasyon. Marami raw sa kanila ang talagang naging masaya sa kanilang pagsasama.
Kagaya ng ilang mga netizen at bashers, tila hindi nagustuhan ni Lolit ang walang awat na paglilitanya ni Liza, na aniya ay maituturing na "self-destruction."
"Talagang ayaw huminto ni Liza Soberano sa self destruction na ginagawa niya, Salve. Ngayon naman parang know it all na alam niya ang issue tungkol sa loveteam. Sayang ang maganda niyang career na sinimulan sa Pilipinas na parang sinira niya dahil lang sa Hollywood dream niya," anang showbiz columnist.
"Puwede naman ituloy niya pangarap niya ng walang sinasabi, walang iwanan issue. Basta lang mag-try siya at sana biglain na lang ang lahat pag nagkaroon siya ng Hollywood project. Hindi gaya ngayon na naging nega siya dahil sa mga sinasabi niya."
"Mahirap talaga pag ganyan para bang alam mo ang lahat, wala ka pang napapatunayan pero ang yabang mo ng magbigay ng komento. Hindi si Liza lang ang sumubok mag-Hollywood dream, marami na at lahat nabigo. Sana para maiba, magtagumpay si Liza Soberano, at maging successful ang tunay niyang pangalan na HOPE, hoping for the best, bongga."
Wala pang tugon, reaksiyon, at pahayag ang kampo ni Liza tungkol dito.