"Asahan po ninyo na hindi kailanman magpapabaya ang inyong pamahalaan sa larangan ng paggawa at empleyo, lalo na sa ilalim ng aking pamamalakad.”
Ito ang pahayag ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. matapos niyang atasan ang Department of Labor and Employment (DOLE) na tutukan ang mga programang hahasa umano sa kakayahan ng mga manggagawang Pilipino.
Sinabi ito ni Marcos nitong Linggo, Abril 30, sa kaniyang pagdalo sa mga kaganapan sa SMX Convention Center sa Pasay City, na bahagi ng 121st Labor Day Celebration, isang araw bago ang aktwal na pagdiriwang ng Araw ng Manggagawa o Labor Day, Mayo 1.
"Bilang Pangulo, ipinapangako ko na ang proteksyon para sa manggagawang Pilipino ay mananatiling pangunahing prayoridad ng aking administrayon," ani Marcos.
Ayon kay Marcos, kinikilala ng administrasyon ang mga suliraning kinahaharap ng mga manggagawa, kabilang na ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo at paghihirap sa transportasyon.
Dagdag pa niya, marami pa ring manggagawa ang hindi pa miyembro ng social fund ng bansa. Unti-unti rin umano nilang binubuksan at pinapasigla ekonomiya ng bansa upang “magbalikan at dumami ang mga negosyo at namumuhunan lalo na sa mga mahahalagang imprastraktura at agrikultura”.
Sinimulan ni Marcos ang serye ng mga aktibidad sa Araw ng Manggagawa sa pamamagitan ng pagbubukas ng outlet na "Kadiwa ng Pangulo Para sa Manggagawa", pagbibigay ng government assistance sa 1,400 benepisyaryo, at pagsisiyasat sa patuloy na job fair kung saan mayroon umanong 902 participating employers.
Binanggit din ng pangulo na namigay ang DOLE ng P1 bilyong halaga ng tulong sa pamamagitan ng mga livelihood projects. Nag-alok naman daw ng 50,000 trabaho ang job fair na isinagawa ng pamahalaan sa iba’t ibang bahagi ng bansa, habang nakatanggap naman ang limang pangalang nabunot niya ng house and lot packages mula sa pamahalaan.
Sinabi naman ni Marcos na hindi natatapos doon ang tulong na ihahatid ng pamahalaan na tulong para sa mga manggagawa.
"Ang mga ito ay ilan lamang sa inisyatiba na ginagawa ng inyong pamahalaan upang mapabuti ang kalagayan ng ating mga manggagawa," ani Marcos.