Isang ligaw na tusker elephant na mahilig sa bigas ang nahuli ng forest officials sa India matapos umano itong makapatay ng hindi bababa sa anim na indibidwal.
Sa ulat ng Agence France Presse, ang lalaking elepante, na binansagang Arikomban, o "rice-tusker", ay kilalang sumasalakay sa mga tindahan ng bigas sa katimugang estado ng Kerala.
Nahuli umano ng isang pangkat na binubuo ng 150 forest officials ang elepante noong Sabado, at dinala sa isang wildlife reserve.
Hindi ito ang unang pagkakataong sinubukan ng mga opisyal na hulihin ang nasabing elepante na pinaniniwalaang nasa 30 taong gulang, ayon sa ulat ng AFP.
Tinamaan si Arikomban ng mga tranquillizer shot noong 2017, ngunit nakatakas din.
Dahil sa pagkahilig nito sa bigas, naisip naman ng mga opisyal noong nakaraang buwan na magtayo ng isang pekeng tindahan ng bigas upang akitin at bitagin ang elepante, ngunit pinatigil umano ng korte ang nasabing plano.
Sinisisi naman ng mga konserbasyonista ang mabilis na paglawak ng mga naninirahan sa paligid ng mga kagubatan at mga pangunahing wildlife corridors. Ito umano ang naging dahilan sa pagdami ng kaso ng problema sa pagitan ng mga tao at hayop doon.
Ayon sa pamahalaan ng India, tahanan ang bansa ng mahigit sa 60% ng mga ligaw na elepante sa Asya, kung saan sa huling census noong 2017 ay mayroon umano itong naitalang 29,964 populasyon ng mga elepante.