Halos 300 pasyente ang nakinabang sa libreng serbisyong medikal at dental na inihandog ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para sa mga residente ng Bacoor, Cavite nitong Biyernes.
Sa ulat ng PCSO nitong Sabado, nabatid na sa naturang bilang, 214 pasyente ang nakatanggap ng serbisyong medikal at 80 pasyente naman ang sumailalim sa dental procedure gaya ng tooth extraction.
Ayon sa PCSO, pinangunahan ni Medical Services OIC-Department Manager Dr. Rouel Aparato, ang naturang pagkakaloob ng libreng serbisyong Medikal at Dental, na isinagawa sa covered court ng Brgy. Daang Bukid, Bacoor City, Cavite.
Bilang pakikiisa anila ito ng ahensya sa layunin nina Cong. Lani Mercado-Revilla, Cong. Bryan Revilla, BM Ram Revilla Bautista, BM Edwin Malvar at ng City Government ng Bacoor, sa pamumuno ni Mayor Strike B. Revilla at Vice Mayor Rowena Bautista-Mendiola , na magbigay ng libreng konsultasyon, gamot, vitamins, at serbisyong medikal gaya ng ECG, at dental sa mga residente ng nasabing siyudad.
Partikular na nabiyayaan ng serbisyo ay ang mga senior citizens, persons with disabilities (PWDs,), bata at mga residenteng walang kakayahang magpagamot o magpakonsulta sa mga pribadong centers.