Bibida si Kapamilya leading man Daniel Padilla sa isang pelikulang nakabase sa short story ng National Artist for Film and Broadcast na si Ricky Lee na may pamagat na “Nang Mapagod si Kamatayan”.

Sa panayam ni MJ Felipe nitong Huwebes, Abril 27, kinuwento ni Carmi Raymundo, ang nagsulat ng naturang pelikula, na isa sa mga favorite niyang stories ang “Nang Mapagod si Kamatayan” na kasama sa apat na maiikling kuwento ni Ricky Lee sa libro niyang “Kung Alam Niyo Lang”.

Dahil dito ay naisip daw niyang isama ito sa ipi-pitch na kuwento para sa posibleng maging proyekto ni Daniel this year.

“During the pitching, I will never forget Daniel, while we were pitching, pagkita pa lang niya nong title, napaganon siya (napayuko). Alam na niya, ito,” ani Karmi.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

“Hindi na kami nag-pitch. Totoo ‘yun,” saad naman ni Daniel. “Gusto ko lang yung title na ‘ah, noong mapagod si Kamatayan’, ‘di ba? Tas nong sinabi ni Ate Carms na sinulat nga ito ni Sir Ricky, Oh my goodness, ito na ‘yun.”

Ibinahagi naman ng National Artist Ricky Lee na matagal na niyang gustong makatrabaho si Daniel.

“Naalala ko na year ago tinanong ako ng reporter sa TV kung sinong young star ang gusto kong makatrabaho, isa lang binanggit ko eh, sabi ko, si Daniel Padilla,” aniya.

Matapos iyon, noong maging juror din daw si Ricky sa Metro Manila Film Festival kung saan kasama rito ang movie ni Daniel at Charo Santos na “Kun Maupay Man It Panahon”, nakita raw niya kung gaano kagaling ang aktor.

“Sabi ko, dapat nga yata maging magkatrabaho nga kami,” kuwento ni Ricky at sinabing excited at masaya siya na nangyari nga ito at magiging magkatrabaho na sila sa isang pelikula.

“Actually maraming reasons kung bakit masaya eh. Bukod sa gusto ko makatrabaho si Daniel, dahil noong napanood ko siya, parang mayroon siyang lalim at range na pwede pang lumabas nang lumabas. And so parang magandang mapaglaruan 'yun at mapanood,” ani Ricky.

Sa patikim naman ng creative manager ng pelikula na si Vanessa Valdez, ibinahagi niyang ang pelikulang “Nang Mapagod si Kamatayan” ay isang light-hearted comedy ngunit may lalim at tatalakay sa mga misteryo tungkol sa “life, love, friendship, at death”.

“Nandoon ‘yung comedy ‘di ba? Pero 'di siya slapstick na pagpapatawa. Nakakatawa ang buhay eh. Doon siya. 'Di siya slapstick,” saad ni Daniel.

“The beauty of life and the beauty of death. Doon siya,” dagdag ng aktor.

Kasama ni Daniel na bibida sa pelikula si Kapamilya actor Zan Joe Marudo.

Sa direksyon ni Dan Villegas, inaasahan umanong mapapanood ang “Nang Mapagod si Kamatayan” ngayong taon.