SANTA ROSA CITY, Laguna – Magkahiwalay na nilooban ang isang eskwelahan at isang computer shop ng hindi pa nakikilalang mga magnanakaw na nagbitbit ng 17 sari-saring brand ng laptop noong Huwebes, Abril 27, sa lungsod na ito.

Sa ulat ng Santa Rosa City police, sinabing nawalan ng 10 laptop ang Saint Paul at Mark School sa Block 1, Lot 3, Panorama Ville sa Barangay Dita sa mga magnanakaw.

Iniulat ng biktimang si Marcelo Ramos ang insidente sa pulisya noong Huwebes ng umaga.

Lumabas sa imbestigasyon na nakapasok ang mga magnanakaw sa pamamagitan ng pagsira sa mga window bar sa likod ng Technology and Livelihood Education (TLE) room. Ang kabuuang halaga ng mga ninakaw na Acer laptop ay P279,500.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa parehong barangay din, ang AJPCMIX Computer Parts Trading na pag-aari ni Alvie Joy Sudetran ay nawalan ng pitong sari-saring brand ng mga laptop na nagkakahalaga ng P71,600 sa mga hindi pa nakikilalang magnanakaw.

Natuklasan ang pagnanakaw noong Huwebes ng umaga. Sinira ng mga suspek ang mga padlock ng gate at pilit na pinasok ang pinto.

Nagsagawa ng follow-up operations at imbestigasyon ang pulisya at sinuri ang CCTV footage na naka-install sa loob ng mga establisyimento para sa posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek.