Ipinahayag ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na hindi labag sa batas ang paniningil ng ilang mga retail outlet sa mga customer na humihingi sa kanila ng assistance upang maparehistro ang nabiling SIM card.
Sa isang press briefing sa Malacañang, sinabi ni DICT Secretary Ivan John Uy na isa lamang "private transaction" ang naturang paniningil sa pagitan ng nagbebenta at bumibili ng SIM card na nagpasyang humingi ng tulong sa pagpaparehistro ng SIM.
Ayon kay Uy, tulad ng pagbabayad nang P5 kada tawag sa telepono sa mga tindahan, nararapat lamang daw na bayaran ang serbisyo pagdating sa SIM registration, lalo na kung ang mga nagbebenta ay gumamit ng sarili nilang mobile data.
"Hindi naman siguro lumalabag sa batas na mag-charge sila ng kaunting fee dahil may gastos rin naman sila," saad ni Uy. "And I think 20 pesos is very, very reasonable. And for many na medyo digitally challenged, I think nakakatulong naman iyon.”
Matatandaang mula sa Abril 26 na deadline nito, pinalawig ng pamahalaan noong noong Martes, Abril 25, nang 90 pang araw ang deadline ng SIM registration sa bansa.
BASAHIN: SIM Registration, pinalawig nang 90 pang araw – Remulla
Inaprubahan umano ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang naturang pagpapalawig ng SIM registration period dahil sa natitirang 20 milyon na hindi rehistradong SIM card at mababang turnout sa mga malalayong probinsya.