Nais ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chairman Junie Cua na makapagtayo ng sangay ng PCSO sa bawat lalawigan sa bansa.

Ayon kay Cua, layunin nitong higit pang mapaghusay ang serbisyong kanilang ipinagkakaloob sa mga mamamayan.

"Maganda po kung magkaroon ng branch sa 82 lalawigan ng bansa, alinsunod sa marching order ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na palawakin pa ang coverage ng mga pinaglilingkuran ng PCSO," ani Cua.

Nabatid na ang PCSO ay mayroon nang 72 branch offices hanggang noong katapusan ng 2022.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sinabi ni Cua na umaasa siya na makapagbubukas sila ng mas marami pang sangay ngayong taon.

"Kaunting push na lang at magiging realidad na ang 82 PCSO branch offices. Hopefully, with eight months more to go this year, we can do something to close that gap," aniya pa.

Kaugnay nito, binigyang-diin rin ni Cua ang pangangailangan ng mga sangay ng PCSO sa bawat lalawigan.

Paliwanag niya, kung bawat lalawigan ay may PCSO office ay hindi na kailangan pa ng mga Pinoy na bumiyahe ng malayo upang makahingi ng tulong medikal.

Idinagdag pa ni Cua na dati nang plano na maisagawa ito bago pa man mag-pandemic.

Aniya, gumagawa na rin ang PCSO ng mga pamamaraan upang gawing digital ang kanilang operasyon nang maging mas kumbinyente ito para sa publiko na nais mag-avail ng kanilang serbisyo.

"Eventually we hope to make it so that those seeking assistance can apply even without going to branch offices," dagdag pa ni Cua.