Isiniwalat ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Huwebes, Abril 27, na maghahain ang National Bureau of Investigation (NBI) ng criminal charges sa susunod na linggo laban kay Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo “Anie” Teves Jr. dahil sa pagpaslang kay Gov. Roel Degamo at walong iba pa noong Marso 4.

Si Teves, na nasa ibang bansa pa hanggang ngayon, ay isa sa mga tinitingnang “mastermind” sa pag-ambush kina Degamo sa harap ng bahay nito sa bayan ng Pamplona.

BASAHIN: Teves, isa sa mga tinitingnang mastermind sa pagpaslang kay Degamo – Sec Remulla

“The cases we will be filed next week. Just to put together a good complaint takes a lot of work,” saad ni Remulla.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Kakasuhan aniya si Teves ng mutiple murder, multiple frustrated murder, multiple attempted murder, at paglabag sa Republic Act No. 11479 o ang Anti-Terrorism Act of 2020.

Saad pa ni Remulla, sa mga susunod na araw ay iko-convene na ng technical working group ng Anti-Terrorism Council (ATC) ang mga reklamo upang matanggap umano ang ebidensya para sa appreciation of facts hinggil sa “designation of the subject persons as terrorists”.

“The NBI is actually presenting the documents. Ang NBI kasi may hawak talaga ng criminal investigation,” ani Remulla.

Sinabi ni Remulla na kapag naisampa na ang mga kaso, ihahatid kay Teves ang abiso sa huling nalamang address niya pagkatapos ng sertipikasyon mula sa Bureau of Immigration (BI).

Hiniling ni Remulla sa ATC na italaga si Teves at mga miyembro ng kriminal na organisasyon ng mambabatas bilang "mga terorista."

Isa sa mga kakasuhan ng terorismo ay si Marvin Miranda, bodyguard noon ng kongresista, na binanggit bilang “casting director” sa planong pagpatay kay Degamo.

“Meron talagang pattern of killings na nangyari. Takot na takot ang mga tao. Kung ang mga pulis nga di makasalita,” ani Remulla.

Lagi namang itinatanggi ni Teves ang pagkakasangkot niya sa nasabing pagpaslang.

Jeffrey Damicog