Masayang ibinahagi ng Philippine Normal University (PNU), ang pamantasang itinuturing na Pambansang Sentro sa Edukasyong Pangguro sa Pilipinas, na kinilala ng Pambansang Museo ang tatlong gusali sa loob ng pamantasan bilang "Pambansang Yamang Pangkalinangan" dahil sa natatangi nitong kahalagahan sa pamanang pangkalinangan ng sambayanang Pilipino.

Ayon sa website ng PNU, kinikilalang "National Cultural Treasures and Important Cultural Properties" ng Pambansang Museo ang tatlong heritage buildings ng pamantasan: ang Normal Hall, ang Geronima T. Pecson Hall (main building), at Faculty Center (dating Training Department Building), sa bisa ng Republic Act No. 10066.

Ang desisyon ay lumabas noong Disyembre 5, 2018 pa, sa pamamagitan ng masusing deliberasyon ng Panel of Experts, sa pamamagitan ng Museum Resolution No. 1-2018.

Ayon sa Pambansang Museo, ang pagkilala sa mga natatanging gusaling ito ay mahalagang hakbang para sa preserbasyon ng cultural heritage sa bansa.

Naitayo noong panahon ng mga Amerikano sa Pilipinas, ang PNU ay isa sa mga maituturing na haligi sa edukasyong pangguro at naging tahanan ng ilang mga dakilang panday ng kaalaman at manunulat na tinitingala sa larang ng akademya.