Tiniyak ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Miyerkules na handang-handa na ang lungsod sa implementasyon ng single ticketing system na nakatakdang magsimula sa Mayo 2, 2023.
Nabatid na inatasan na ni Lacuna si Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) head Zenaida Viaje na tiyakin na ang mga kawani ng MTPB ay pamilyar na sa ganitong sistema.
Ayon pa sa alkalde, maging ang Manila City Council ay nagpasa na ng ordinansa na kailangan sa pag-a-adopt ng standardized na multa para sa mga identified common traffic violations at panibagong ordinansa naman para sa traffic-related na paglabag na hindi binaggit sa traffic code.
Matatandaang ang Maynila ay isa sa pitong lungsod na lalahok para sa pilot testing ng bagong sistema, bago ito tuluyang ipatupad sa buong rehiyon.
Lumahok pa si Lacuna sa ceremonial signing ng resolusyon kamakailan, na nagbigay-daan para sa pilot testing ng nasabing sistema sa kani-kanilang hurisdiksyon.
Bukod sa Maynila, ang anim pang lungsod na lalahok sa pilot testing ng single ticketing system ay ang San Juan, Quezon City, Parañaque, Muntinlupa, Caloocan City, at Valenzuela City.