Humaplos sa puso ng mga netizen ang Facebook post ng isang Grade 9 AP Teacher mula sa Bagbaguin National High School, Valenzuela City, matapos niyang i-flex ang kaniyang treat sa kaniyang advisory class habang sila ay sumasagot ng pagsusulit.
Ayon sa Facebook post ni Ma'am Arlene Rodriguez, sa halip na nakasanayang cookies ay naisipan niyang magpa-iced coffee at milk tea sa kaniyang advisory class, upang kahit paano ay maibsan ang init at alinsangang nararamdaman nila dulot ng panahon.
"Goodluck mga nak.. 'Wag masyado ma-pressure, I know na ginagawa n'yo palagi ang best n'yo... Wala muna tayong goodluck cookies ngayon… dahil mainit ang panahon, may pa-iced coffee and milk tea naman si Ma'am," aniya sa caption.
Ayon sa panayam ng Balita kay Ma'am Arlene, talagang sa tuwing quartely exam ay may pa-treat siya sa kaniyang advisory class. Gaya ng isang tunay na pangalawang magulang sa loob ng paaralan, anak na ang turing niya sa kanila.
"Every Quarterly Exam po ay nagbibigay po talaga ako sa mga bata ng mga cookies po with good luck note, para po mas lalo nilang galingan sa pagsagot at hindi po sila ma-pressure (which is very common po sa mga top section) and also, kapag po nagutom sila ay meron po silang snacks.. 🙂 but this time po, since mainit po ang panahon naisip ko po ang Milk Tea and Iced Coffee to beat the heat," aniya.
May mensahe naman siya sa kaniyang advisory class na nakapangalan kay William Shakespeare.
"Gaya po ng palagi ko pong sinasabi sa kanila na, always trust themselves, and give their best because I always have their back!"
At sa mga kagaya naman niyang guro, "Sa mga katulad ko pong guro, huwag po tayong magsasawa magmahal sa ating mga mag-aaral dahil ang simpleng pagpapakita natin sa kanila ng pagmamahal at suporta ay maaaring magkaroon ng malaking impact sa kung ano ang magiging sila pagdating ng panahon."
Matatandaang naitampok na rin sa Balita ang isang guro mula sa Bagong Silang High School sa Caloocan City, na may pa-unli taho naman sa kaniyang mga anak.
Mula naman sa kaniya, nainspire ang kaniyang kaibigang guro mula naman sa Tala High School na matatagpuan din sa Caloocan City, na magpa-unli haluhalo naman.
Kudos po sa inyo, Ma'am Arlene! Nawa ay dumami pa ang mga kagaya ninyong guro.