Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) nitong Miyerkules ang publiko na bawasan ang pag-inom ng mainit na kape at mga nakalalasing na inumin sa panahon ng El Niño phenomenon upang makaiwas sa dehydration.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni DOH Health Promotion Bureau- Health Environment Division chief Dr. Rosalind Vianzon na dapat na panatilihing hydrated ang ating katawan sa panahong mainit ang panahon.

Aniya, sa halip na kape at alcohol, na maaaring maging sanhi ng dehydration, dapat uminom ang mga mamamayan ng hanggang walong baso ng tubig araw-araw.

“Mainit na nga, iinom ka pa lagi ng kape, ‘di ba lagi kang mag-i-init? Hindi naman bawal, but we have to limit ‘yung mga intake of hot food, hot meals, hot drinks, and of course, alcohol,” paliwanag pa niya.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Kaugnay nito, pinayuhan rin niya ang publiko na umiwas sa pagkain ng mga pagkaing maraming spices dahil ang mga ito aniya ay ikinukonsiderang sanhi ng dehydration at hindi talaga inirerekomenda kapag mainit ang panahon.

Sa panig naman ni Maria Belinda Evangelista ng DOH Health Emergency Management Bureau, sinabi nito na hindi rin aniya muna dapat magluto ng mga pagkaing madaling mapanis, gaya ng mga pagkaing nilalagyan ng gata at kamatis.