Inihayag ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na posibleng gumamit na ang poll body ng super modernong "send-to-all’ hybrid machines, na may high-speed scanning capacity at 13-inch screens, kung saan maaari nang beripikahin ng mga botante kung nabilang ba ang kanilang boto, sa 2025 local elections.

Ayon kay Garcia, layunin nitong matiyak ang transparency ng halalan at pagkakaroon nito ng mas mabilis na resulta.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay tinalakay ni Garcia ang usapin sa nasabing hybrid machine nang siya ay maging panauhing pandangal sa ‘MACHRA’s Balitaan sa Harbor View’ ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) nitong Martes.

Sa nasabing forum, sinabi ni Garcia na isa sa special features ng makina na posibleng gamitin,base sa kanyang plano, ay yaong may malaking screen at may kakayahan na mag-transmit ngresulta ng eleksiyon, sa lahat ngconcerned parties, nang sabay-sabay.

“We will fully comply with the law. Kung ito yung VCM (vote counting machine) ng isang presinto, itong machine na ito pag nagpadala magpapadala sa City Hall kung saan kina-canvass (election results), magpapadala sa PPCRV, magpapadala sa citizens’ arm, sa KBP, sa majority party, sa minority party, sa Congress, so send to all. Ngayon, kung isa dun magsalita na iba ang kanyang result, bahala siya sa buhay niya, samantalang lahat, pare-parehas,” paliwanag niya.

Ayon pa sa poll chief, ito ang naisip niyang paraan upang matiyak ang transparency at kahalagahan na makuha ang tiwala ng mga botante.

“Wala na kong makikitang mas matinding transparency than that.Paano makakasiguro na ang binoto namin ‘yan ang binilang ng machine? Pero me isa pa ‘yung laging tanong ng tao, ‘Paano kami nakakasigurado na ‘yung balotang hinulog nmain yan ang binilang ng machine? Oo, me nakita kaming resibo pero 'yung binilang, ‘yun ba ‘yun?” dagdag pa ni Garcia.

Ipinaliwanag ni Garcia na para maayos na matugunan ang karaniwang tanong na ito ng mga botante, ay kailangan na makaisip ng paraan kung saan mabeberipika ng mga botante na nabilang ang kanilang balotang ipinasok sa makina.

“Paano masisiguro ng botante na ‘yung hinulog niya nabilang? Diyan papasok yung ‘hybridized’ system. Hindi ko pabibilang ang balota manually dahil pag binilang mo ang 800 balota per precinct aabutin tayo ng apat na araw tapos i-automate mo pa,” paliwanag nito.

Ayon pa kay Garcia, dapat ay may hybrid system sa bawat isang makina, hindi yung makina kung saan ang balota ay bibilangin pa manually at ang imahe ng balota ay makikita ang harap at likod.

“Hindi hybrid na minachine mo tapos binilang mo isa-isa. ‘Yun ang purpose kung me screen na malaki, kung kaya, 15-17 inches mas maganda,” ayon pa kay Garcia.

Sa ilalim ng sistema, sinabi ni Garcia na maaaring kunan ng litrato ng mga watchers ang balota at pagkatapos ay maari nila itong bilangin, dahil ang makina na ay nai-transmit na ang mga balota upang maiwasan din ang pagkaantala.

Binanggit pa niya na nagpa-fast tracking na ang Comelec pagdating sa terms of reference dahil umaasa sila na pagsapit ng Hulyo ay mayroon ng procurement short of award, dahil kailangan na unahin ang pag-train, introduce o educate kung paano ang mga tao ay boboto sa ilalim ng bagong sistema gamit ang 'hybrid machines'.

“Kasi kung maganda nga ‘yung makina, kung hindi naman nauunawaan ng tao, hindi rin po sila basta makakaboto nang maayos.Trust will always begin with voters’ education and information,” dagdag pa niya.