Sinimulan na ng pamahalaan ng Pilipinas ang paglikas sa mga Pilipinong na-stranded sa bansang Sudan.

Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) spokesperson Ma. Teresita Daza, 50 Pinoy ang sumali sa unang batch ng mga indibidwal na na-pull out sa Sudan noong Biyernes bandang alas-8 ng gabi (Manila Time).

Ito ay matapos sumang-ayon ang mga naglalabanang paksyon ng Sudan sa tatlong araw na tigil-putukan upang payagan ang paglikas ng mga dayuhang mamamayan.

Sinabi ni Daza na maglalakbay ang mga nasagip na Pilipino mula sa Sudanese capital ng Khartoum patungong Aswan at Cairo sa Egypt.

Samantala, sa panayam ng CNN Philippines, sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo Jose de Vega na ang Embahada ng Pilipinas sa Egypt, na may hurisdiksyon sa Sudan, ay magbibigay ng plane ticket sa mga gustong bumalik ng Pilipinas.

Noong Lunes, sinabi na ni de Vega na tatlong Pinoy na nagtatrabaho para sa Saudia Airlines na nakabase sa Saudi ang inilikas mula sa Sudan ng gobyerno ng Saudi.

BASAHIN: 3 Pinoy, nailikas na mula sa Sudan – DFA

Inaasahang aalis sa Khartoum ang humigit-kumulang 156 na mga Pilipino mula sa 696 na indibidwal na nagparehistro para sa paglikas.

Joseph Pedrajas