Iniulat ng independiyenteng OCTA Research Group na tumaas pa sa 10.6% ang Covid-19 positivity rate sa National Capital Region (NCR).
Sa datos na ibinahagi ni OCTA Research Fellow Dr. Guido David nitong Martes, nabatid na ang naturang positivity rate, na naitala nitong Abril 23, 2023, ay mas mataas kumpara sa 7.3% lamang na naitala naman noong Abril 16, 2023.
Doble naman ito sa 5% lamang na threshold para sa positivity rate na itinatakda ng World Health Organization (WHO).
“NCR 7-day positivity rate increased to 10.6% as of April 23 2023, from 7.3% on April 16,” tweet pa ni David.
Dagdag pa niya, “The NCR had an average of 3,120 tests per day (in April 2022 testing in the NCR was at 11k per day).”
Iniulat rin naman ni David na sa kabila ng pagtaas ng bilang ng mga bagong impeksiyon, nananatili pa rin namang mababa ang hospital occupancy na nasa 21% lamang.
“Hospital occupancy remained LOW at 21%,” ani David.
Nitong Lunes ng gabi, iniulat ng Department of Health (DOH) na nakapagtala sila ng kabuuang 3,148 impeksiyon ng COVID-19 mula Abril 17 hanggang 23, mas mataas ito kumpara sa 2,386 kaso na naitala noong nakaraang linggo.
Ito ay katumbas ng daily average na 450 kaso, na mas mataas ng 32% kumpara sa 241 daily average cases na naitala noong Abril 10 hanggang 16.