Magandang balita dahil bukas na sa publiko ang Medical Services Department Multi-Specialty Clinic ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para sa publiko.
Sa abiso ng PCSO sa kanilang Facebook account nitong Martes, inanyayahan din nito ang publiko na magtungo lamang sa kanilang punong tanggapan sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City upang makapagpakonsulta ng libre sa mga espesyalista.
“Sa ating mga kababayan na nais magpakonsulta ng libre sa mga espesyalista, nais pong ipabatid ng PCSO na bukas na ang Medical Services Department Multi-Specialty Clinic para sa publiko sa PCSO Main Office, Shaw Boulevard, Mandaluyong City,”anunsiyo pa ng PCSO.
Kabilang sa mga espesyalisasyon na available sa naturang klinika tuwing Lunes, mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali ay ang Cardiology at Neurology & Psychiatry.
Tuwing araw naman ng Martes, maaaring magpakonsulta sa Ear, Nose & Throat (ENT) at Pulmonology, mula ala-1:00 ng hapon hanggang alas-4:00 ng hapon.
Kapag araw naman ng Miyerkules ay maaaring magpakonsulta sa Gastroenterology mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-11:00 ng umaga at Endocrinology na bukas mula alas-2:00 ng hapon hanggang alas-5:00 ng hapon.
Ang Orthopedic Surgery naman ay bukas tuwing Huwebes ganap na ala-1:00 ng hapon hanggang alas-4:00 ng hapon, habang tuwing Biyernes naman maaaring i-avail ang serbisyo para sa Opthalmology, ganap na alas-2:00 ng hapon hanggang alas-5:00 ng hapon.
Ayon sa PCSO, kailangan ring magdala ng balidong ID na may larawan at ng Covid-19 vaccination card ng mga pasyenteng mag-a-avail ng mga naturang serbisyong medikal.