Target ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na magkaroon ng 70% na rehistradong SIM cards matapos palawigin ng pamahalaan nang 90 pang araw ang deadline ng SIM registration, ayon sa Presidential Communications Office (PCO) nitong Martes, Abril 25.

“DICT is targeting to register 70 percent of active SIMs within the 90-day extension and reports to the President that more Filipinos will enjoy social, digital and financial inclusion upon SIM registration,” saad ng PCO sa isang pahayag.

Nagsasagawa na rin umano ang National Telecommunications Commission (NTC) at iba pang kaugnay na ahensya ng gobyerno ng facilitated SIM registration sa mga malalayong lugar upang mapabilis ang pagpaparehistro ng SIM.

Kanina lamang ay inanunsyo ni Justice Secretary Jesus Crispin na pinalawig ng pamahalaan nang 90 pang araw ang deadline ng SIM registration sa bansa.

BASAHIN: SIM Registration, pinalawig nang 90 pang araw – Remulla

Sa ilalim ng Republic Act No. 11934 o ang SIM Registration Act, Abril 26 ang nakatakdang deadline ng pagpaparehistro ng SIM bago ang nasabing pag-anunsyo ng pagpapalawig nito.

Ayon sa datos ng NTC noong Linggo Abril 23, tinatayang 82,845,397 SIM na ang rehistrado, ngunit 49.31% lamang ito sa mahigit 168 milyong aktibong SIM cards sa bansa.