Tiniyak ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na magiging mahigpit ang poll body sa pagtanggap ng Certificates of Candidacy (COC) ng mga nais kumandidato para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE).

Sa "MACHRA's Balitaan sa Harbour View" ng Manila City Hall Reporters' Association nitong Martes, sinabi ni Garcia na ito ay para maiwasan ang pagkakaroon ng mga nuisance candidate na hindi naman kuwalipikado pero nais sumali sa halalan.

Inihalimbawa pa ni Garcia ang mga nais kumandidato sa SK polls, na lagpas na sa age limit.

Ayon kay Garcia, sa nakalipas na halalan ay may pagkakataon aniyang umabot sa 4,000 ang mga kumandidato na lagpas na sa age limit, ang hinawakan nilang kaso.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Dagdag pa niya, preparasyon na rin ito para sa mga darating na national elections upang masala ang mga kakandidato at maiwasan ang pagkakaroon ng nuisance candidates.

Ipinaalala rin naman ni Garcia na umiiral ang batas patungkol sa pagbabawal sa mga kaanak ng mga elected official na kumandidato sa SK, sa ilalim ng SK reform act.

Ang filing ng COC para sa BSKE ay una ng itinakda sa Agosto 28 hanggang Setyembre 2 habang ang mismong araw naman ng halalan ay isasagawa sa Oktubre 30.