Inanunsiyo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Martes na mahigit sa ₱32.6 milyon ang halaga ng medical assistance na kanilang naipamahagi sa higit 5,000 indigent patients sa bansa.
Sa abiso ng PCSO sa kanilang Facebook account, nabatid na kabuuang ₱32,686,299.36 ang naipagkaloob sa may 5,135 pasyente mula Abril 17 hanggang 20, 2023 lamang, sa ilalim ng kanilang Medical Assistance Program (MAP).
Kabilang sa nabiyayaan ng naturang tulong medikal ng PCSO ay ang 560 pasyente mula sa National Capital Region (NCR) na nabigyan ng kabuuang halaga na ₱7,017,800.
Sa Northern at Central Luzon, umaabot sa 1,183 pasyente ang nabiyayaan ng ₱7,648,169.49 na halaga ng tulong medikal habang sa Southern Tagalog at Bicol Region naman, 1,418 pasyente ang nakinabang sa ₱6,871,730.30 halaga ng medical assistance.
Sa Visayas, 1,188 pasyente ang nabigyan ng ₱6,465,923.59 na halaga ng assistance sa pagpapagamot habang sa Mindanao ay 786 pasyente ang naging benepisyaryo ng ₱4,682,675.98 na tulong medikal.
Kaugnay nito, muli namang hinimok ni PCSO Vice Chairperson at General Manager Melquiades Robles ang publiko na patuloy na tangkilikin ang mga PCSO games dahil malaking bahagi nito ang napupunta sa kawanggawa.
“Sa patuloy ninyong pagtangkilik sa mga laro ng PCSO, libo-libo nating mga kababayang nangangailangan ang natutulungan ng PCSO,” anito pa.