Bunsod ng budget restrictions, isinaisantabi muna ng Department of Education (DepEd) ang panukalang lagyan na ng air conditioners ang mga pampublikong paaralan sa bansa upang maibsan ang init na nararamdaman ng mga estudyante habang sila ay nasa eskwela.

Nauna rito, iminungkahi ni Parents-Teachers Association (PTA) Federation president Willy Rodriguez na dapat na gawin nang air-conditioned ang mga silid-aralan sa mga public schools upang matugunan ang learning disruptions sa ilang lugar, na dala ng matinding init ng panahon.

“Ang isang solusyon diyan ay hindi calendar change, hindi rin modular. Ang solusyon diyan, magkaron tayo ng air-conditioned classroom for public schools. Kung makikita niyo, walang reklamo ang ating mga private schools. Napakadali gumawa ng aircon kung tutuusin,” ani Rodriguez.

Bilang tugon, sinabi naman ni DepEd spokesperson Michael Poa na may budget restrictions ang DepEd at binigyang-diin na maaari namang ipagpatuloy ang klase kahit na mainit ang panahon, sa pamamagitan ng alternative delivery modes.

Eleksyon

49 na senatorial aspirants, naghain ng COC ngayong Oct. 7

“Of course…we have fiscal restrictions sa budget. Napakarami pa, hindi lang aircon ang problema natin, napakarami pa nating mga dapat paggastusan sa ating mga classrooms,” ayon pa kay Poa.

Una nang pinaalalahanan ng DepEd ang mga school heads na may diskresyon silang magsuspinde ng face-to-face classes at lumipat muna sa modular distance learning kung nakakaranas ang kanilang lugar ng matinding init ng panahon at pagkawala ng suplay ng kuryente.

Nanawagan na rin kamakailan ang ilang grupo ng mga guro na ibalik ang dating school calendar, kung kailan ang summer vacation ay nakatapat sa mga buwan ng Abril at Mayo dahil sa nararanasang matinding init ng panahon sa ngayon.