Tinitingnan ng New Zealand ang posibilidad ng panganib sa tsunami matapos yanigin ng magnitude 7.1 na lindol ang Kermadec Islands nitong Lunes, Abril 24.
Sa ulat ng Agence France Presse, nangyari umano ang lindol na may lalim na 49 kilometro bandang 12:41 ng tanghali sa oras sa New Zealand o 8:41 ng umaga sa oras ng Pilipinas.
Pinalilikas na ng National Emergency Management Agency ng New Zealand ang mga residente mula sa mga lugar malapit sa baybayin kung saan tumama ang nasabing lindol.
"In these areas a tsunami may have been generated and may arrive quickly, so evacuate immediately to the nearest high ground or as far inland as possible," saad nito sa ulat ng AFP.
Samantala, siniguro naman ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na walang magiging banta ng tsunami sa Pilipinas.
“Hazardous tsunami waves are possible for coasts located within 300 km of the earthquake epicenter,” anang Phivolcs.