Dalawang araw bago ang deadline, isiniwalat ng Department of Information and Communications Technology (DICT) nitong Lunes, Abril 24, na tinitingnan nila ang posibilidad na mapalawig pa ang SIM registration period sa bansa.

Sa panayam ng DZRH, ibinahagi ni DICT Secretary Ivan John Uy na sa nangyaring pagpupulong nila kasama ang mga telco at stakeholders, naiulat umano sa kanila na may mga Pilipinong hindi pa rin makapagparehistro dahil sa “iba’t ibang rason”.

“Kino-consolidate pa namin ang report at bukas ay may final meeting kami. [Pagkatapos ay] doon kami mag aanunsyo kung may extension man o kung gaano kahaba ang extension na ibibigay,” ani Uy.

“We want the SIM registration period to be completed so that these scammers will disappear,” dagdag niya.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11934 o ang SIM Registration Act, ang deadline ng pag-register ng mga SIM card ay sa darating nang Miyerkules, Abril 26. Ngunit nakasaad din sa batas na may karapatan ang DICT na palawigin ang registration period ng 120 pang araw.

Isiniwalat naman ni Uy na may mas mataas sa 50% na tiyansang palalawigin nga nila ang nasabing deadline.

Sa kabila nito, iginiit din niyang habang mas matagal ang extension period, mas magpapatuloy ang “electronic communication-aided crimes”.

Hiniling naman ni Uy sa public telecommunication entities na ibigay ang listahan ng mga lugar kung saan nananatiling mababa ang bilang ng mga nagpapaprehistro, dahil isa umano ito sa mga paraan para matukoy nila kung gaano katagal ang posibleng extension.

Samantala, naniniwala naman daw siyang isa sa mga dahilan ng mababang pagpaparehistro ay ang hindi pagsunod ng ilang mga Pilipino.

“Ang pinaka malaking dahilan, kung gusto n’yong malaman? Matitigas po ang ulo. Umaasa na ma-eextend [kahit] anim na buwan ang ibinigay para makapagrehistro. Nakakapagtaka po dahil may nagco-complain na hindi raw sila techie pero marunong gumamit ng Gcash at Paymaya,” saad ni Uy.

Sa pinakabagong datos ng National Telecommunications Commission (NTC) nitong Lunes, tinatayang 82,845,397 SIM cars na ang nairehistro, ngunit 49.31% lamang ito sa mahigit 168 milyong SIM sa bansa.