Sinuspindi na ng Rain or Shine (ROS) ang kanilang 6'5" power forward na si Beau Belga matapos masangkot sa away sa isang laro sa exhibition game sa Cebu nitong Sabado.

Anim na araw na walang suweldo ang naging parusa ni Belga batay na rin sa desisyon ng ROS management.

Sa pahayag ng isang opisyal ng koponan, posibleng maging mabigat pa ang susunod na parusa ng manlalaro dahil nakabinbin pa ang pagpupulong nito sa mga opisyal ng koponan kaugnay sa usapin.

Kinumpirma rin ng ROS na hindi nagpaalam si Belga sa kanyang koponan nang sumabak sa nasabing "ligang labas."

National

Sen. Bong Go, pinakiusapan si Sen. Imee na pagkasunduin muli sina PBBM, VP Sara

Nag-ugat ang usapin nang magsuntukan ang import ng koponang Sirius Star at kalabang player na si JR Quiñahan (NLEX) sa isang rebound play sa Carmen Municipal Gym sa Cebu nitong Sabado.

Sumali sa away si Belga nang batuhin nito ng bola ang import na hindi tinamaan.

Bukod kay Quiñahan, kakampi rin ni Belga sa nasabing laro sina PBA players Robert Bolick (NorthPort) at Jio Jalalon (Magnolia).

Ang insidente ay nag-viral sa social media hanggang sa makarating sa kaalaman ni Philippine Basketball Association (PBA) Commissioner Willie Marcial nitong Linggo.

Tiniyak ni Marcial na ipatatawag nito sa kanyang opisina ang mga sangkot na manlalaro sa susunod na linggo.

Reynald Magallon