Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Lunes, Abril 24, ang kabuuang 3,148 bagong kaso ng Covid-19 na naitala noong nakaraang linggo.
Sa kanilang weekly case bulletin, sinabi ng DOH na ang daily average cases ay kasalukuyang nasa 450 na mas mataas ng 32 percent kaysa sa mga kaso noong Abril 10 hanggang Abril 16.
Nakapagtala ang DOH ng 14 pang indibidwal na nasa ilalim ng malubha at kritikal na mga kaso. Sa kasalukuyan, mayroong 345 na malubha at kritikal na admission na 8.7 porsyento ng kabuuang Covid-19 admissions.
Sa kabilang banda, 275 sa 2,010 o 13.7 porsyento ng Intensive Care Unit (ICU) beds ang ginagamit, habang 2,980 sa 17,152 o 17.4 percent ng non-ICU beds ang okupado.
Samantala, nag-verify din ang DOH ng lima pang namatay dahil sa Covid-19 nitong nakaraang linggo. Binanggit nito na walang nasawi mula Abril 10 hanggang Abril 23.
Sa 5 pagkamatay, isa ang naganap noong Agosto 2021, isa noong Hulyo 2021, isa noong Mayo 2021, isa noong Abril 2021, at isa noong Setyembre 2020.
Sa usapin ng pagbabakuna sa Covid-19, sinabi ng DOH na dahil sa patuloy na paglipat ng Vaccine Information Management System (VIMS) ng Department of Information and Communications Technology (DICT), ang DOH-Epidemiology Bureau ay hindi makakagawa ng updated na vaccine accomplishment hanggang sa naresolba ang nasabing migration.
Dhel Nazario