Isang napakalaking punong matatagpuan sa isang kagubatan sa Chile ang pinaniniwalaang may tanda nang mahigit 5,000 taon at maaaring magsilbi umanong bintana upang masilip ang ilang mga sikreto ng ating planeta.
Sa ulat ng Agence France Presse, ang nasabing punong may taas na 28 metro at tinawag na “Great Grandfather” ay isang Fitzroya cupressoides, isang uri ng cypress tree na endemic sa katimugan ng South Amerika.
Dahil sa tanda ni Great Grandfather, pinaniniwalaan ng mga mananaliksik na naglalaman ng siyentipikong impormasyon na maaaring magbigay-liwanag sa kung paano nakaka-adapt ang planeta sa mga pagbabago sa klima.
Taong 1972, nagpapatrolya raw ang park warden na si Anibal Henriquez sa kagubatan nang matagpuan niya ang kamangha-manghang puno na si Great Grandfather.
Kuwento ng anak ni Henriquez na si Nancy, na naging park warden din, ayaw ipaalam ni Anibal sa mga tao at turista ang kinaroroonan ng puno dahil alam niya una pa lang na napakahalaga nito.
Namatay raw si Anibal sa atake sa puso makalipas ang 16 na taon habang nagpapatrolya sa parehong kagubatan sakay ng kabayo.
Ang pamangkin ni Anibal, si Jonathan Barichivich, ay lumaking naglalaro umano sa gitna ng mga punong Fitzroya, tulad ni Great Grandfather. Ngayon, isa na siya sa mga siyentipiko na nag-aaral sa mga ito.
Ayon kay Barichivich, sa inisyal na pag-aaral ay 80% ng mga posibleng trajectory ay nagpapakita na ang puno ay nasa 5,000 taong gulang.
Umaasa naman siyang mailathala sa lalong madaling panahon ang resulta ng kanilang pag-aaral.
"The ancient trees have genes and a very special history because they are symbols of resistence and adaptation. They are nature's best athletes," ani Barichivich sa ulat ng AFP.
Itinuturing ngayon ang punong si Great Grandfather na isang time capsule na maaaring maging bintana upang matanaw ang kasaysayan.
"If these trees disappear, so too will disappear an important key about how life adapts to changes on the planet," saad ni Barichivich.