Ibinahagi ng National Telecommunications Commission (NTC) nitong Linggo, Abril 23, na tinatayang 80,372,656 indibidwal na ang nakapagparehistro ng kanilang Subscriber Identity Module (SIM) cards, ngunit ito ay 47.84% lamang umano ng kabuuang bilang na 168,016,400 SIM card sa buong bansa.

Batay sa pinakabagong datos hinggil sa SIM registration ng NTC nitong Sabado, Abril 22, nananatiling may pinakamataas na bilang ng mga nagparehistro ang Smart Communications Inc. na nakapagtala ng 38,855,942. Sinundan ito ng Globe Telecom Inc. na may 35,826,329 at Dito Telecommunity na may 5,690,385 registered cards sa ngayon.

Kamakailan ay hinimok ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), kasama ang iba pang progresibong mga organisasyon sa bansa, ang pamahalaan na palawigin ang SIM registration period.

Ipinaliwanag ng grupo na sa pagpapahaba ng panukala, magkakaroon ng sapat na panahon para maayos na “i-roll out” ang proseso ng kanilang petisyon na inihain sa Korte Suprema laban sa pagpaparehistro ng SIM.

“Tiyak na milyun-milyon pang mga magsasaka, mangingisda at mamamayan sa kanayunan ang hindi nagrehistro ng kanilang SIM at ang banta ng deactivation at kawalan ng akses nila sa kanilang SIM ay direktang atake sa kanilang karapatan sa pagpapahayag, impormasyon at komunikasyon," ani KMP Chairperson Danilo Ramos.

Samantala, sinabi ni NTC Deputy Commissioner Jon Paulo Salvahan na hindi pa nila opisyal na natatanggap ang kopya ng petisyon na inihain umano sa Korte Suprema. Ito raw ang dahilan kung bakit hindi pa sila makapagkomento sa bagay na ito.

Alinsunod sa Republic Act No. 11934, na kilala rin bilang SIM Registration Act, ang nasabing mandatoryong pagpaparehistro ay magtatapos sa Abril 26. 

Walang extension na gagawin "sa ngayon", ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT).

Charie Mae Abarca