Sold-out ang kauna-unahang fan meeting ng pinaka-bagong global pop group mula sa ABS-CBN at Korean talent agency na MLD Entertainment na HORI7ON na ginanap Sabado ng gabi, Abril 22 sa New Frontier Theater.

Bago magsimulang humataw sa stage ang grupo, inanunsyo ng host na si VJ Ai Dela Cruz na magkakaroon ng reality show ang HORI7ON sa Korea na tatawaging “Hundred Days Miracle,” na siyang ikinagalak ng fans.

Dumagundong naman ang hiyawan sa venue nang lumabas na ang grupo at i-perform nila ang “Take My Hand,” na theme song ng reality-idol survival show na “Dream Maker,” kung saan nabuo ang HORI7ON. Sinundan ito ng kanilang pre-debut single na “Dash” at sa unang pagkakataon bilang isang grupo, napanood ang kanilang performance ng “Odd Eye.” Kinagiliwan din ang performances nila ng “Tiger,” at “Lovey Dovey,” habang naging emosyonal naman sila sa kanilang finale song na “Salamat.”

Game na game naman ang HORI7ON sa mga challenges na ibinigay sa kanila, kung saan nakisali pa ang ilang fans at masuwerteng pinaakyat mismo sa stage para makasama nang malapitan ang kanilang mga idolo.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Samantala, “Anchor” ang napiling opisyal na pangalan ng fandom ng HORI7ON, na inanunsyo rin sa nasabing event.

Isa-isa namang nagpasalamat ang mga miyembro ng HORI7ON na sina Jeromy Batac, Marcus Cabais, Kyler Chua, Vinci Malizon, Reyster Yton, Kim Ng, at Winston Pineda sa kanilang “Anchors,” at umaasa sila na patuloy pa rin silang susuportahan ng mga ito.

Ang nasabing fan meeting ay ang huling pagtatanghal ng HORI7ON sa Pilipinas bago sila tumulak sa South Korea sa katapusan ng buwan para ipagpatuloy ang kanilang trainings bago mag-debut bilang isang global pop group sa darating na Hunyo.