Mangatarem, Pangasinan – Nakorner ng Philippine National Police (PNP) dito sa pangunguna ni Major Arturo Melchor Jr, chief of police ang isang hostage taker at nailigtas ang isang biktima sa Umisem Dental Clinic, Paragas Building, Brgy. Calvo nitong Sabado, Abril 22.

Sa ulat mula sa Pangasinan Police Provincial Office, nakasaad na ang hostage taker ay kinilalang si Gerardo Placido Paquiz, 46, isang guwardiya at residente ng Brgy. Caoile-Olegario, Mangatarem.

Pumasok si Gerardo sa Umisem Dental Clinic at nagpanggap na kustomer. Mabilis niyang sinunggaban ang biktimang si Dra. Kimberly Aquino Ragudo, 44, at hostage na may nakatutok na kutsilyo sa kanyang leeg.

Nang makatakas ang isang kustomer ng nasabing dental clinic, agad na tinawag nito ang atensyon ng pulisya kung saan tumugon sina Major Melchor Jr. at ang kaniyang mga tauhan sa lugar.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Sinubukan ng pulisya na makipag-ayos at patahimikin ang suspek.

"Nakatutok sa leeg ni doktora ang kutsilyo at ayaw bumitaw ng suspek, pero nagkaroon ng tsansa na matutukan ang guwarda at makuha ang kutsilyo," ani Major Mechor sa Balita.

Nagtamo ng minor injury sa leeg ang biktima at dinala sa Mangatarem District Hospital at kalaunan ay nakalabas din.

Nasa kustodiya na ng Mangatarem Police ang suspek at ang ginamit nitong weapon. Inihahanda na rin ang mga kaukulang kaso laban sa kaniya..

Samantala, pinasalamatan naman ni Colonel Jeff E Fanged, Provincial Director ng Pangasinan PNP ang komunidad sa kanilang mabilis na pag-uulat.

Pinuri ni Fanged ang buong puwersa ng Mangatarem Police sa kanilang mabilis na pagresponde at katapangan sa pagresolba sa sitwasyon nang walang nasawi na buhay kapwa biktima at maging ang suspek.

Liezle Basa Inigo