Isiniwalat ng isang maritime archeology group nitong Sabado, Abril 22, na nakita na ang wreckage ng transport ship na lumubog sa Pilipinas noong ikalawang digmaan at ikinamatay umano ng halos 1,000 Australians na sakay nito.
Sa ulat ng Agence France Presse, sinabi ng maritime archeology group na Silentworld Foundation na ang barkong Montevideo Maru na lumubog noong Hulyo 1, 1942 ay natagpuan sa karagatang may lalim na mahigit na apat na kilometro.
Limang taon umanong plinano ng Silentworld Foundation ang paghahanap ng nasabing barko hanggang sa sinimulan na ang misyon noong Abril 6.
Makalipas lamang ang 12 araw, namataan umano nila ang wreckage ng barko sa Luzon gamit ang high-tech equipment tulad ng autonomous underwater vehicle.
Ang paglubog ng Montevideo Maru ang naging pinakamalalang maritime disaster na nangyari sa Australia, na ikinamatay ng tinatayang 979 mamamayan ng Australia, kabilang na ang hindi bababa sa 850 militar.
Ayon pa sa foundation, nakasakay din sa barko ang mga sibilyan mula sa 13 iba pang mga bansa, dahilan kaya umabot sa 1,060 ang kabuuang bilang ng mga bilanggo na nasawi sa trahedya.
Hindi naman umano gagalawin ang naturang wreckage bilang paggalang sa mga pamilya ng mga nasawi.